Nanawagan si Senate committee on health chairman Sen. Christopher “Bong” Go sa mga concerned government agencies na ilatag ang kanilang plano hinggil sa paglaban sa nakamamatay na Wuhan coronavirus na nagmula sa China.
Sa hearing ng komite, sinabi ni Go na dapat maayos na maiparating ng mga ahensiya ng gobyerno ang mga impormasyon hinggil sa virus at gayundin ng mga ginagawang hakbang ng gobyerno hinggil sa sakit.
Ayon sa mambabatas, mahalagang may kaalaman ang gobyerno sa mga hakbang na ito hinggil sa virus para magkaroon ng pagtutulungan sa paglaban dito.
Binigyang diin ni Go na sa panahon ng krisis, mas dapat na maintindihan ng mga tao ang mga nangyayari at upang maiwasan na rin ang mga kumakalat na fake news.
Dagdag pa ng senador, na hindi nakakatulong ang mga maling impormasyon kaya sa halip na magpakalat at bumatikos ay magtulungan na lamang ang lahat.