-- Advertisements --

Pinalalahad ni Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan ang kani-kanilang mga hakbang at plano ukol sa anti-red tape, kasabay ng pagsisimula ng paghimay sa 2020 budget proposals.

Ayon kay Angara, mahalagang maihanay ng mga ahensyang ito ang kanilang “ease of doing business” sa kanilang pagdalo sa hearings.

Si Angara ang pinuno ng Senate finance committee at isa rin sa mga nagsulong ng anti-red tape sa gobyerno.

Nais aniya nilang makita ang sitwasyon bago ang implimentasyon ng batas, habang ito ay ipinatutupad at ang mga plano pa ng iba’t-ibang tanggapan.

“Mahigpit na nating ipatutupad ngayon na isama sa budget review ng government agencies ang kanilang anti-red tape performance. Dito kasi natin malalaman kung gaano nila kahusay na nagagampanan at natutupad ang kanilang trabaho. Isa rin ito sa magiging basehan para aprubahan ang kanilang budget proposal,” wika ni Angara.