Umapela si Sen. Imee Marcos sa pamahalaan na harangin ang mga pork importers na manipulahin ang lokal na supply ng mga karneng baboy at tuluyang patayin ang negosyo ng mga magbababoy sa Pilipinas.
Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, sa halip na magmadali sa importasyon, ang dapat umanong bilisan ng Department of Agriculture (DA) ay ang imbestigasyon sa “hoarding” o pag-ipit ng mga pork products na maaaring sanhi ng artipisyal na pagtaas ng presyo nito sa merkado sa gitna ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF), partikular na sa Luzon.
“Marami nang lokal na hog raisers o magbababoy ang nagsara na ng kanilang negosyo. Ang importasyon sa gitna ng Covid-19 pandemic ay kapalit ng kawalan ng lokal na trabaho at pagsuko sa mga dayuhan para sa food security ng ating bansa,” saad ni Marcos.
Ang presyo ng mga imported na baboy galing sa United States, Canada, Spain, United Kingdom, Netherlands, at Brazil ay pang-akit umano para sa mas malaking kita pero mga konsyumer ang isinasakripisyo.
Inihalimbawa ni Marcos ang import cost ng isang 40-foot container ng frozen pork belly o liempo mula sa Spain na P117.87 kada kilo, kasama na ang 40% na taripa.
Bukod sa paghuli sa mga nananamantalang hoarders at profiteers, inihayag din ng senadora na kaya rin ng pamahalaan na mapababa ang presyo ng karne kung isu-subsidize ang gastos sa pagbiyahe nito sa Luzon na 80% ay inaangkat mula Visayas at Mindanao.
Katwiran pa ni Marcos, ang DA ang may pinakamalaking item ng pondo para sa emergency sa ilalim ng Bayanihan 2, na may kabuuang P24-billion.
Ang Senate Resolution 619 ni Marcos na target imbestigahan ang mga nagdedesisyon sa presyo ng pagkain sa merkado ay kasamang tatalakayin sa joint hearing ng mga komite ng agriculture, food and agrarian reform at trade, commerce and entrepreneurship ngayong araw.