Hinimok ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas ang gobyerno na gamitin ang mga social workers para sa ilulunsad na vaccination drive laban sa COVID-19.
Ayon kay Vargas, alam daw ng mga social workers kung papaano kakausapin ang publiko upang makumbinsi ang mga ito na huwag matakot at magpaturok na ng coronavirus vaccine.
Sa buong bansa umano ay mayroong mahigit 10,000 social workers ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Katwiran pa ni Vargas, malaking tulong ang mga ito sa Department of Health (DOH) at kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. sa pakikipag-usap sa publiko upang maipabatid ang halaga ng pagpapabakuna laban sa coronavirus.
Kung maaalala, bumaba nang husto ang kumpiyansa ng mamamayan sa bakuna matapos ang isyu sa Dengvaxia noong 2017.
Una nang sinabi ni Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, posibleng hindi pa raw handa ang bansa para sa COVID-19 vaccination dahil sa agam-agam ng publiko sa bakuna.
Suportado ito ng datos mula sa OCTA Research na nagsasabing 25% lamang sa Metro Manila ang handang magpabakuna, 28% ang ayaw magpabakuna, at 47% ang nananatiling undecided.
“Let us harness the full potential of the social workers,” wika ni Vargas, “as they are highly credible individuals respected and accepted by their communities.”
Samantala, nanawagan din si Vargas kay Galvez na ideklara ang mga social workers bilang essential frontliners sa laban kontra pandemya.