Nanawagan ang isang kilalang neurosurgeon sa gobyerno ng Pilipinas na kailangan na ang pagpapatupad ng panibagong guidelines sa pahg-iwas sa COVID-19.
Una rito, isang team ng American, British at Canadian scientists ang nagsabi na nakakita sila ng panibagong ebidensiya na ang COVID virus ay nakakahawa rin dahil sa pananatili nito sa hangin o airborne.
Lumabas sa report ng scientific journal na The Lancet, ito raw ang dahilan kaya may mga superspreader events ang lalong nagpapalala sa dumaraming mga nahahawa.
Ayon naman kay Dr. Ronnie Baticulon, isang neurosurgeon, at professor, ang ganito umanong findings ay kailangang ipaalam sa publiko na nasa hangin ang COVID para mapag-ibayo ang pag-iingat.
Inihalimba pa nito, kung sakali raw ang isang tao na may COVID-19 na nagsalita o umubo ng walang facemask sa loob ng isang kulob na kuwarto, mananatili sa doon ang virus na maaring makahawa sa iba.
kaya naman mas maganda pa nga raw ang paggamit ng electric fan kaysa aircon lalo na kung walang HEPA filters.
Gayundin, mas maigi ang public transportation na may lagusan ang hangin o open air.
Pinayuhan pa ng doktor na dapat magsuot ng high quality na face mask upang maiwasan ang airborne transmission ng virus.