Pinayuhan ng isang kilalang political analyst ang gobyerno na dapat muna itong magkaroon ng iisang paninindigan sa paksang pagrebyu sa mutual defense treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Bago ito, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na kailangan nang repasuhin ang tratado dahil sa kalabuan ng ilan sa mga probisyon nito.
Ngunit giit naman ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin, hindi na raw ito kailangan dahil sapat na raw ibinigay na garantiya ng Estados Unidos.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay UP Department of Political Science professor Dr. Clarita Carlos, ito raw ay kailangan upang hindi malito ang Amerika kung sino ang dapat na pakinggan.
Bumuwelta rin si Carlos kay Locsin kung saan sinabi nito na manahimik daw muna ang kalihim hinggil sa isyu.
“Dapat kasi iisa lang ang boses. Hindi puwedeng iba ang sinasabi ni Locsin, tapos iba sinasabi ni Lorenzana. Mag-ugnayan muna sila para hindi naguguluhan ang Amerika kung sinong papakinggan,” wika ni Carlos.