VIGAN CITY – Ikinatuwa ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang naging desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 sa mga kaso hinggil sa Maguindanao massacre kahapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NUJP chairman Nonoy Espina na itinuturing nilang isang malaking tagumpay ang naging desisyon ni Judge Jocelyn Solis-Reyes na masentensyahan ng reclusion perpetua ang magkapatid na Datu Zaldy at Datu Anwar Ampatuan at iba pang kasamahan ng mga ito sa nasabing krimen.
Ngunit, hindi naman nito ikinaila na ikinalulungkot nila ang pagkaka-acquit nina Datu Akmad “Toto” Ampatuan, Datu Salid Islam Ampatuan at iba pang pinaniniwalaang mayroong direktang koneksyon sa krimen na nangyari noong 2009.
Maliban pa rito, nangangamba rin ang NUJP sa kaligtasan ng pamilya ng mga biktima dahil posibleng balikan sila ng mga napalayang suspek.
Kaugnay nito, hinihiling ng grupo sa pamahalaan na tulungan ang pamilya ng mga biktima at siguruhin ang kanilang kaligtasan, kasama na rin si Judge Reyes.