LEGAZPI CITY – Naaagnas na ang bangkay ng isang lalaki ng madiskubre sa loob ng bahay nito sa Purok-2, Relocation Site, Brgy. Bogtong, sa lungsod ng Legazpi.
Kinilala ito na si Bienvinido De Leon, 54, isang government employee na residente ng naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Punong Barangay Armando Toledo, inirereklamo ng mga kabitbahay ang masangsang na amoy na nagmumula sa naturang bahay.
Dahil dito nagpadala ng tao si Toledo upang alamin ang pinagmumulan ng masangsang na amoy at personal din na pumunta sa bahay.
Nasarado ang bahay ng pumunta ang mga ito sa lugar kung kaya pwersahang binuksang ang pinto.
Tatlong araw na rin na hindi umano nakikitang lumalabas ang nasabing lalaki.
Pinaniniwalaang na-stroke ito subalit dahil mag-isa sa bahay ay warang nakasaklolo.
Nakikipag-ugnayan na rin sa pamilya ng nasabing lalaki upang mabigyan ito ng maayos na libing.