-- Advertisements --

(Update) LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Catanduanes Provincial Agriculture Office na empleyado ng naturang departamento ang isa sa anim na nahuling naglalaro ng “tong-its” sa loob ng provincial capitol.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Agriculturist Nelia Teves, hindi umano sila nagkukulang sa pagpapaalala sa ganitong mga bagay sa kanilang mga tauhan.

Aminado rin itong nalulungkot sa nangyari at iginiit na magsisilbi itong leksiyon sa lahat ng empleyado ng pamahalaan.

Samantala, sa human resource department na umano ng kapitolyo nakasalalay ang magsasampa ng kasong administratibo laban sa naturang empleyado.

Kabilang pa sa mga naaresto sina Roman Valera, Eugenio Maroon Jr., Ronald Ong, Raul Clemente, Zaldy Olido at Nestor Evan Marquez na nagsusugal sa loob mismo ng kapitolyo habang office hours.