-- Advertisements --

Itutuloy ng pamahalaan ang paghahain ng administrative cases laban sa mga politikong kabilang sa narcolist na nanalo sa May 13 elections.

Sa isang statement, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na kahit pinalad mang manalo ang mga politikong ito sa nagdaang halalan, tuloy pa rin ang kasong kakaharapin ng mga ito.

Iginiit ng kalihim na hindi makakalusot ang mga politikong ito kung sila ay mapapatunayang sangkot talaga sa iligal na droga.

Samantala, itinuturing naman ni Año na tagumpay ang pagkatalo ng ilang politikong dawit sa narcolist na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung hindi raw kasi inilabas ni Pangulong Duterte ang narcolist, posibleng lahat ng mga politikong sangkot sa iligal na droga ay nagawa pang manalo sa nagdaang halalan.

Nabtid na sa 46 suspected narcopoliticans na kinasuhan ng DILG, 37 ang tumakbo sa 2019 polls at 26 dito ang nanalo.

Kabilang sa naturang bilang ay ang dalawang kongresista, isang vice-governor, 18 alkalde, tatlong vice-mayors, isang councilot at isa ring board members.