Ibinunyag ng Senate national defense committee na nangangailangan ang gobyerno ng P9.6-trillion upang masolusyonan ang problema sa pension fund ng militar at ng unipormadong hanay.
Sa public hearing ng Military and Uniformed Personnel (MUP) Insurance Fund Act bills, sinabi ng chairman ng komite na si Sen. Panfilo Lacson na kailangan daw maglaan ang Kongreso kada taon ng P800-bilyon hanggang sa susunod na 20 taon para maresolba ang isyu.
Naglahad din ang Government Service Insurance System (GSIS) ng magkakaibang scenario at computation upang makahanap ng patas at katanggap-tanggap na solusyon sa problema.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, bagama’t masyadong nakakalito ang presentasyon ng GSIS, ito raw ang simula para masolusyonan ang suliranin.
Paliwanag ni Drilon, ang magiging papel ng Kongreso ay ang pagpapatibay ng polisiya na mag-i-integrate at popondo sa retirement fund, lalo na’t ilang dekada raw na hindi pinansin ang aniya’y napakalaking problemang ito.
Sa panig naman ni Sen. Imee Marcos, chairwoman ng Senate committee on economic affairs, mawawalan ng saysay ang mga inilutang na solusyon kung walang commitment mula sa mga economic managers ng bansa.