Suportado ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda ang mungkahing ipagbawal sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa oras na hindi magbayad ang mga ito ng kanilang buwis.
Ito ay matapos na inirekominda ni House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na huwag pahintulutan ang POGO kung tutol ang mga ito sa pag-obliga sa kanila na magbayad ng kanilang buwis, gayundin ng kanilang mga empleyado.
“Kapag ang gambling ay hindi nabubuwisan, parang bakit mo pa papayagan kung hindi mo rin naman bubuwisan. Kung hindi po magbabayad ng buwis ang pagsusugal ay huwag nalang po,” ani Salceda.
Sa ilalim ng House Bill 5267 ni Salceda, 5 percent ang ipapataw na franchise tax sa POGO at aabot sa P20 billion ang kikitain dito ng pamahalaan sa loob ng isang taon.
Target din ng panukalang ito na singilin ng withholding tax ang mga empleyado ng POGO, kung saan inaasahan namang makakalikom ng P24 billion sa loob ng 12 buwan.
Bukod dito, sisingilin din ng corporate income tax ang mga service providers ng POGO licensee na aabot naman ng P1 billion.
Iginiit ni Salceda na sa panukala niyang ito ay mawawasto ang maling interpretasyon sa Presidential Decree 1869 o ang PAGCOR Charter.
Direkta na rin aniyang mapupunta sa BIR ang mga buwis na makokolekta mula sa POGO at mga empleyado nito.
Nabatid na noong 2017, P175 million lamang ang nokolekta ng BIR mula sa mga POGO, P579 million noong 2018, at mula nitong Enero hanggang Setyembre naman ay nasa P1.8 billion pa lamang.