Naghahanda na ngayon ang gobyerno ng Pilipinas para sa Alert Level 1 at ang tuluyang paglipat ng COVID-19 pandemic sa endemic state.
Ito ang ginawang pag-amin ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang Alert Level 1 ang magiging “new normal” ng bansa.
Ito ay idinedeklara kapag mababa at bumababa ang transmission ng kaso, at ang total bed utilization at mga rate ng paggamit ng intensive care unit ay mababa rin.
Dagdag pa ni Vergerie na sa ilalim ng new normal, ang mga paghihigpit ay magiging napaka-specific o ipatutupad lamang sa mga lugar na may mataas na panganib ng impeksyon, habang ang limitasyon ng kapasidad sa mga establisyimento, panloob man o panlabas, at sa transportasyon ay aalisin.
Aniya, kailangan pa ring sundin ang minimum public health standard, mag-mask pa rin, maghuhugas, iwas sa matataong lugar, physical distancing, at higit sa lahat, siyempre, ventilation, air flow.
Samantala, sinabi ni Vergeire na sakaling paluwagin ng gobyerno ang mga paghihigpit, ang mandatoryong pagsusuot ng face mask ang huling aalisin.