Walang balak ang Malacañang na paiwasin ang mga opisyal ng pamahalaang magtungo sa Estados Unidos.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod pa rin ng panukala sa US Senate na i-ban ang mga opisyal ng Pilipinas na sangkot sa pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima.
Sinabi ni Sec. Panelo, ang mga salitang ginamit sa probisyong isinusulong ng dalawang US senators kung saan nakasaad na iiral lamang ito alinsunod sa “credible information” na hawak ng US Secretary of State laban sa mga opisyal ng Pilipinas na nasa likod ng “wrongful imprisonment” ng senadora.
Ayon kay Sec. Panelo, hindi maituturing na mali ang pagkakakulong ni Sen. De Lima, dahil ligal ang proseso nito at mayroong pinagbatayan.
Dahil dito, naniniwala rin si Sec. Panelo na walang dapat ikatakot ang mga opisyal ng pamahalaan na nais magtungo sa Estado Unidos.