CAGAYAN DE ORO CITY – Posibleng sampahan ng kasong kriminal ang government officials na nasa likod ng malaking pagpupuslit ng imported materials mula South Korea papasok sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Una nang nakasuhan at ipinaaresto ng korte ang walong mga akusado na kinabibilangan ng tatlong Korean na may-ari ng Verde Soko Philippines Incorporated na nasa likod ng halos 7,000 metric tons ng mga basura na dumaong sa lalawigan noong Hulyo at Oktubre 2018.
Inihayag ni Department of Justice (DOJ) ASec. Sergio Yap na hindi makakaligtas ang mga opisyal ng gobyerno na nakipagsabwatan para makapasok ang mga basura na walang pahintulot sa Mindanao Container Terminal (MCT).
Dagdag ng opisyal na inatasan na ng DoJ ang National Bureau of Investigation (NBI) na laliman pa ang imbestigasyon upang matukoy kung sino sa mga ahensiya ng gobyerno ang mayroong pananagutan sa nabanggit na usapin.
Magugunitang ikinagulat na lamang ni MCT collector John Simon kung paano nakapasok ang mga basura na walang importation permit at hindi tama ang pagkadeklara ng kargamento nang dumaong sa probinsya.
Kabilang sa mga kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 ay sina Chu Soo-cho; Jae Ryang-cho at Sena Na; company president Engr. Neil Alburo at apat na iba pa.