LEGAZPI CITY – Siniguro ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinapakinggan ng pamahalaan ang lahat ng hinaing at reklamo ng publiko na ipinapaabot sa Office of the President (OP) sa pamamagitan ng 8888 hotline.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCOO Asec. Ramon Cualoping, inihayag nitong nakalista ang lahat ng reklamo ng mamamayan at dumadaan sa tamang proseso.
Ayon kay Cualoping, sakaling mayroong mataas na opisyal ng pamahalaan na inirereklamo, agad itong pinapadalhan ng sulat ni Pangulong Rodrigo Duterte at inaatasang magpaliwanag sa reklamo sa loob ng tatlong araw.
Layunin aniya nito na marinig ang boses ng publiko at magkaroon ng transparency sa pamahalaan.
Samantala, dagdag pa ni Cualoping na patuloy na pinapalakas ng PCOO ang pagbibigay ng kahalagahan sa right for information ng publiko sa ilalim ng Freedom of Information.