Asam ngayon ng pamahalaan na mapaangat pa hanggang sa 50,000 ang testing capacity ng bansa sa COVID-19 kada araw sa oras na maabot na nito ang 30,000 na inisyal na target sa katapusan ng Mayo.
Ayon kay COVID-19 response deputy chief implementor Vince Dizon, sa ngayon ay kaya na ng bansa na makapagsagawa ng 17,000 test kada araw.
Ang nasabing bilang ay hindi hamak na mas malaki kumpara sa 8,500 tests kada araw na naitala noong Mayo 2.
Paliwanag ni Dizon, nakaambag daw sa paglaki ng bilang ng testing capacity ang mga pribadong ospital at mga laboratoryo, maging mga organisasyon gaya ng Philippine Red Cross.
Kaugnay nito, sinabi ni Department of Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, posibleng maabot ang 50,000 daily tests sa pamamagitan ng Test, Trace, Treat o T3 program ng gobyerno.
Inilahad pa ni Vergeire na mapapataas pa ng pamahalaan ang testing capacity target kada araw kung madagdagan pa ang mga accredited na laboratoryo.
“Ito namang pagli-lisensya ng mga laboratories ay highly-technical and tedious process because we want to ensure quality and safety sa ginagawa natin, so we can prevent the risk of transmitting the disease in the community if ever na mag-set up tayo ng laboratoryo,” wika ni Vergeire.
Sa kasalukuyan, may 30 laboratoryo na ang accredited ng DOH para magsagawa ng reverse transmission-polymerase chain reaction tests.