Sinuspinde na ng Malacañang ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno simula mamayang alas-12:00 ng tanghali.
Batay sa Memorandum Circular 60, layunin nitong mabigyan ng oportunidad ang mga manggagawa sa gobyerno na magkaroon ng maayos na obserbasyon sa Huwebes Santo at Biyernes Santo na parehong regular holidays.
Nakasaad sa memorandum na pirmado ni Executive Sec. Salvador Medialdea na sa pamamagitan ng work suspension sa hapon, makakabiyahe na ng mas maaga ang mga bibiyahe pauwi sa mga lalawigan para sa paggunita ng Mahal na Araw.
Pero ang mga ahensyang responsable sa pamamahagi ng basic and health services, paghahanda at pagtugon sa mga sakuna at kalamidad at mga may mahahalagang serbisyo ay magpapatuloy sa kanilang operasyon.
Ipinapaubaya naman ng Malacañang sa mga employers sa pribadong sektor ang pagpapasya kung magsuspinde na rin ng trabaho ngayong Miyerkules Santo.
“To provide government employees füll opportunity to properly observe 18-19 April 2019, regular holidays, and to allow them to travel to and from the different regions in the country, work in government offices on 17 April 2019 is hereby suspended from 1200 o’clock in the afternoon onwards,” bahagi ng memorandum 60.