-- Advertisements --

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng hazard pay sa mga government personnel na pisikal na pumapasok sa kanilang trabaho habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sa ilalim ng Administrative Order no. 43, nakasaad na hindi dapat lalampas sa P500 ang dapat na ibigay sa mga empleyado ng national government, GOCCs at maging State Universities and Colleges (SUCs).

Pasok dito ang mga regular, contractual o casual positions, maging ang mga contract of service (COS) at Job Order (JO).

Kailangan lamang matiyak na otorisado ang pagpasok ng mga ito sakanilang tanggapan at pasok sa official working hours habang umiiral ang ECQ at MECQ.

Para naman sa mga kawani ng mga LGUs o baranggay, ang kanilang Konseho ang magdi-determina ng hazard pay na igagawad sa mga ito at batay sa kanilang financial capability pero hindi dapat lalampas ng P500.

Pirmado ni Pangulong Duterte ang AO kahapon, Hunyo 2, 2021.