Naglabas ng gabay si Archbishop Socrates Villegas ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan ukol sa inilabas na deklarasyon ng Vatican’s doctrinal office na nagpapahintulot sa mga paring basbasan ang same-sex couples, polygamous bonds, at live-in partners o tinatawag ng Vatican na “irregular situations.”
Nilinaw ng arsobispo na kapag binasbasan sila ng pari, ito ay tanda ng paghingi ng awa sa Diyos at hindi pagpapabanal ng kanilang relasyon.
“Therefore, when a Catholic priest prays a blessing of mercy on a couple in an irregular situation… he is asking God to have pity on both of them and to give them the grace of conversion so that they can regularize their relationships.”
Dagdag din ng arsobispo na ito rin ay para bigyan ang magkarelasyon ng “grace of conversion” sapagkat ito ay hindi naaayon sa Diyos ayon sa turo ng Simbahang Katolika.
“This blessing of mercy is not and cannot be a blessing of sanctification since we cannot ask God to bless something that, as Fiducia supplicans explains, is not “conformed to God’s will, as expressed in the teachings of the Church” (no. 9).”
Pinayuhan niya rin ang mga pari na piliin ang tamang mga salita sa pagbabasbas sa magkarelasyong nasa irregular situations upang hindi magkaroon ng kalituhan sa gustong iparating ng simbahan.
Ganito rin ang paalala ni Father Douglas Badong ng Nuestra Señora de la Soledad de Manila Parish na hindi ito kapantay ng kasal. Gayunpaman, hindi raw nila pwedeng tanggihan ang sinuman na humihingi ng basbas mula sa Panginoon.
“Pag tinawag na blessing nagdadasal tayo para pabanalin at mamuhay ang tao ayon sa kagustuhan ng Diyos… Pero hindi ito blessing ng matrimony kaya yung union nananatiling kasal ng lalake at babae.”
Naglabas naman ng pahayag ang national convenor ng PANTAY, isang LGBTQIA+ group, kung saan malugod nilang tinanggap ang desisyon ng Santo Papa. Para sa kanila, ito ay pagpapakita ng pagkahabag at pagtanggap sa magkakaibang paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal.
“We thank the Pope for recognizing that indeed, love is a blessing. This inclusive gesture fosters a more compassionate and accepting environment for diverse expressions of love within our global community.”
Hiling din ng organisasyon na sa pamamagitan ng desisyon ni Pope Francis ay mas mabuksan ang puso at isipan ng mga tao para suportahan ang SOGIE Equality Bill upang maiwasan na ang diskriminasyon sa bansa.