-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Dahil sa hindi umano nabilhan ng cellphone, isang 18-anyos na estudyante ang nagbigti sa loob ng isang kubo na katabi ng kanilang bahay sa Brgy. Muguing, Banga, Aklan.

Sinasabing gagamitin sana ng Grade 10 student na biktima ang cellphone para sa online learning ngayong may COVID-19 pandemic.

Ayon sa ina ng biktima na bago nangyari ang pag-suicide ng kanyang anak dakong alas-8:00 ng gabi ay hiniling nito sa kanya na ibili siya ng cellphone.

Ngunit, nang sabihin umano nito na wala siyang pera na pambili ay bigla itong tumakbo palabas ng kanilang bahay at nagtago sa isang kubo.

Sinundan umano niya ito at laking gulat nang makitang naka­bigti na ang anak gamit ang lubid.

Nagpahirap pa umano sa kalooban ng biktima ang pag-disapprove sa kanilang aplikasyon sa pagkuha ng cellphone sa pamamagitan ng isang loan company.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd)-Aklan sa pangyayari.

May natanggap na umano silang preliminary information ukol dito at nagpapatuloy ang kanilang pagbeberika.