-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang Grade 12 student matapos makagat ng ulupong o cobra sa Barangay Crispina sa bayan ng Banna, Ilocos Norte.

Ayon kay Barangay Chairman Reynaldo Duldulao ng nasabing barangay, kinilala ang biktima na si Luisa Agpuon, 18 anyos at residente ng nasabing lugar.

Batay sa pakikipag-usap niya sa mga magulang nito, nangyari ang insidente sa loob mismo ng kuwarto ng kanilang anak habang nagpapalit ito ng damit.

Aniya, unang dinala ang estudyante sa isang herbalista ngunit kalaunan nito ay sinugod siya sa ospital kung saan nanghina na ito at binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Sabi niya, agad na hinanap ng ama ng biktima ang pinagtataguan ng cobra at natagpuan ito sa isang butas malapit sa sahig kung saan natutulog ang kanyang anak.

Ibinunyag niya na nang makita nila ang dalawang metrong haba ng cobra ay agad nila itong pinalo hanggang mamatay at sinunog upang matiyak na hindi ito mabubuhay.

Dagdag pa niya, nakahuli ng isa pang cobra ang nasabing pamilya kinaumagahan bago nakagat ang biktima.

Sa ngayon, plano ng pamilya na lumipat ng tirahan dahil sa takot na maaaring maulit muli ang masalimuot na pangyayari.