LAOAG CITY – Inihayag ni Mr. Rommel Baltazar, coach ng gold medalist sa Archery 30-meter qualifying na si Jemuelle James Espiritu na noong simulan nila ang kanilang training para sa Palarong Pambansa ay target na nilang makakuha ng gold medal.
Masaya naman si Baltazar dahil hindi sila pinahiya ni Espiritu matapos makasungkit ng gintong meldaya para sa archery.
Si Espiritu ay grade 12 student sa San Nicolas National High School sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte at ito na ang ikalawang pagkakataon n sumabak siya sa Palarong Pambansa.
Ayon kay Baltazar, ang mga nakalaban ni Espiritu ay dati nang lumalaban sa Palarong Pambansa at humahakot sila ng gintong medalya, gaya ng National Capital Region (NCR), Central Luzon, Soccsargen at Central Visayas.
Hinggil dito, ipinaalam naman ni Espiritu na ang talagang humikayat sa kanya para maglaro ng archery ay ang ama nito.
Umaasa si Espiritu na makakasungkit pa siya ng gintong medalya sa mga susunod niyang laban.
Samantala, sinabi ni School Principal Florante Riego sa San Nicolas National High School si Espiritu ang tanging estudyante nila na na-qualify para lumaban sa Palarong Pambansa 2024 at ipinagmamalaki nila ito dahil sa nasungkit niyang gintong medalya para sa larong archery.