LAOAG CITY – Ikinuwento ng Grade 2 pupil na binatilyo sa Bombo Radyo ang umano’y muntik nang pagkuha sa kanya ng puting van sa Sitio Dos, Barangay Cavit sa lungsod ng Laoag.
Ayon sa bata, nangaroling sila kasama ang kanyang mga kaibigan sa nasabing lugar nang mayroon dumating na puting van at huminto sa kanila.
Dahil dito ay nakita daw niya ang dalawang lalaki sa loob ng sasakyan ngunit hindi sigurado kung may mga kasama sila sa likod ng van at nagtakbuhan naman ang kanyang mga kasama.
Sinabi ng pupil na pumulot ito ng bato upang may gagamitin kung sakaling bababa ang mga lalaki at sumunod namang tumakbo ito papalayo sa kanila.
Base sa CCTV footage, nang makarating ang bata sa harap ng day care center ay dumating si Macmac Alonzo na nakamotorsiklo at lumayo naman ang puting van.
Tiniyak naman ni Barangay Chairman Jerry Alonzo na hindi nagpapabaya ang mga barangay tanod at nais na madagdagan sila para sa mahigpit na seguridad sa gabi.
Maliban dito ay nais ng kapitan na magdagdag ng mga CCTV camera sa barangay.
Ayon kay Lt. Col. Amador Quiocho, chief of police ng PNP Laoag, iimbestigahan nila ang nangyari sa nasabing barangay kahit wala pang nag-report sa kanila.
Aniya, pupunta ang mga kasapi ng PNP sa lugar upang pag-aralan ang totoong nangyari.
Pinayuhan ni Quiocho ang publiko na kausapin ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag lumabas sa gabi.