BUTUAN CITY – Isasailalim sa autopsy ang bangkay ng isang Grade 3 pupil ng San Isidro Elementary School sa bayan ng Gigaquit, Surigao del Norte upang malaman ang totoong dahilan ng kanyang pagkamatay, ilang oras matapos uminom ng pampurga nitong nakalipas na araw.
Sa nakuhang record ng Police Regional Office (PRO)-13, inihayag ni P/SMSgt. Zena Panaligan ng Public Information Office, nalamang dumulog sa police station si Ruel Guibo-ata at iniulat ang pagkamatay ng kanyang pamangking si Rhea Mae, residente ng Purok 5, Barangay Villaflor ng nasabing bayan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Panaligan na lumabas sa imbestigasyon na kasama ang biktima sa mga bata ng San Isidro Elementary School na pinainom ng pampurgang “Albendazole” sa umaga pa lang at umuwi para sa pananghalian.
Dito na nagreklamo ng pagsakit ng kanyang tiyan ang biktima at pagkawala ng kanyang paningin hanggang sa bigla na lang itong bumulagta.
Kaagad itong dinala sa Gigaquit District Hospital kung saan idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Lumabas pa sa kanilang imbestigasyon na may dalawa pang ibang mga Grade 5 pupils ang nakaranas ng pananakit din ng kanilang tiyan matapos umanong uminom ng Albendazole at naka-confine ngayon sa Caraga Regional Hospital ng Surigao City.
Patuloy pa ang kanilang imbestigasyon kasama ang taga-Department of Health (DOH) Caraga upang malaman ang totoong dahilan ng nasabing mga insidente.