LEGAZPI CITY – Hindi na nailigtas ang isang Grade 4 student na residente ng Barangay Maoyod, Legazpi City matapos na bawian ng buhay sa komplikasyon nang magkasakit umano ng dengue.
Ayon kay Punong Barangay Romeo Madraso sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, aabot rin sa isang linggong nanatili sa ospital ang siyam na taong gulang na pasyente bago bawian ng buhay.
Nabatid na nakaburol na ito sa ngayon sa kanilang tahanan habang nagdadalamhati naman ang naiwan nitong pamilya.
Kaugnay nito, nilinaw ni Madraso na hindi nagkulang ang mga opisyal ng barangay sa pagpapaalala sa mga nasasakupang residente na panatalihin ang kalinisan sa kapaligiran.
Sa katunayan umano ang mga barangay officials na ang nangunguna sa paglilinis sa nasasakupang lugar upang maiwasang madagdagan pa ang dengue cases sa lugar.
Samantala, nakatakda namang magsagawa ng fogging sa ilang lugar sa barangay ngayong araw upang mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng naturang sakit.