DAGUPAN CITY – Pasa sa noo at namamagang mga kamay ang tinamo ng isang Grade 8 student na babae matapos itong pagtulungang bugbugin ng hindi bababa sa 20 babaeng estudyante na pawang mga menor de edad sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.
Nag-aabang lamang umano ng kaniyang masasakyan ang biktimang 13 anyos na hindi na pinangalanan nang lapitan umano ito ng grupo ng mga mag-aaral at inayang magpunta ng baywalk.
Tinakot umano ito ng mga kapwa estudyante na kung hindi sasama ay sasaktan ito.
Pagdating sa lugar ay doon na umano siya kinuyog ng mga estudyante at pinagtulungang sinabunutan at pinagsusuntok.
Nakahingi lamang umano ito ng saklolo sa security guard malapit sa lugar kaya natigil ang pananakit sa kaniya.
Napagkasunduan naman ng ina nito at magulang ng iba pang sangkot na estudyante na sasagutin na lamang ang gastos sa gamot at pagpapacheck up ng naturang biktima.