BUTUAN CITY – Walang ibang sinisi ang isang pamilyang mula sa tribung Higaonon sa bayan ng Hinatuan, Surigao del Sur sa dahilan ng pagbigti ng isang grade-8 student kundi ang mahirap na module ng Science subject.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Nanay Luzminda, lola ng biktimang itinago lang sa pangalang Inday na legal ng na-adopt ng lola, walang ibang hinaing sa kanya ang dalagita kundi ang hirap na pagsagot umano sa kanyang Science module na syang nagpapasakit ng ulo nito.
Dagdag ni Nanay Luzminda, hindi naisumite ng biktima nitong Lunes ang kanyang unang module dahil hindi pa nito nasagot ang Science activity kung kaya’t ngayong Lunes na sana niya ito isusumite.
Hindi rin niya ito kayang turuan dahil grade 1 lang ang kanyang natapos kung kaya’t inihayag umano ng biktima na gagawin niya ang lahat, hindi lang mapagalitan ng kanyang guro.
Napag-alaman pa sa kanya ang biktima na magpunta sa kanilang sakahan bitbit ang alagang aso at laking gulat na lamang nila nang unang umuwi ang aso at wala ng tali kung kaya’t nang kanila puntahan ang kanilang sakahan, natagpuan na lang itong nakabitin na at wala ng buhay.