-- Advertisements --

ILOILO CITY- Biktima ng ilang beses na panamantala ng kanyang sariling ama ang isang grade 9 student sa Lungsod ng Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay alyas Marie, tiyahin ng biktima na si alyas Nene, umiiyak nitong isinalaysay ang kalunos-lunos na sinapit ng kanyang pamangkin sa kamay ng kanyang sariling ama.

Ayon kay alyas Marie, base na rin sa pagsalaysay sa kanya ni alyas Nene, grade 5 pa lamang ito nang sinimulan na itong pagsamantalahan ng kanyang ama.

Ani Marie, dala na rin ng takot ng biktima, hindi na nito nagawang magsumbong.

Ayon pa sa tiyahin, umamin sa kanya si alyas Nene na dahil sa matagal na itong ginagawa sa kanya, nasanay na rin siya na hinahalay ng kanyang ama.

Napag-alaman na pinakiusapan rin ito ng kanyang mga magulang na wag magsumbong dahil ayaw nilang masira ang kanilang pamilya.

Dagdag pa ni Marie, hanggang ngayon kasama pa rin ng biktima ang kanyang ama sa ilalim ng iisang bubong at hindi imposible na nagpapatuloy pa rin ang kahalayang ginagawa sa kanya.

Personal namang kinumpronta ni Alyas Marie at kanyang mga kapatid ang ama ng biktima at itinanggi nito ang mga akusasyon sa kanya.

Sa ngayon, umaasa si Marie na mapanagot ang ama ng biktima sa mga kahalayang ginawa nito sa kanyang anak.