Hindi na umano kakayanin pa ng gobyerno ng Pilipinas na palawigin pa nang palawigin ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa ibang mga lugar sa bansa.
Sa pulong ng Inter-Agency Task Force kagabi, sinabi ni COVID-19 response chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr na limitado lamang ang resources ng bansa kaya hindi na nito magagawang ibigay ang pangangailangan ng mamamayan kung palawigin pa ang ECQ.
Binigyang-diin ng kalihim na kailangang balansehin ang kalusugan ng publiko at ang ekonomiya ng bansa.
Iginiit din ni Galvez na batay sa World Health Organization, kailangang gawing hinay-hinay lamang ang pagpapaluwag sa community quarantine para maiwasan ang panibagong bugso ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
“Some precautionary measures have been given by WHO with recommendation on easing of quarantine restriction,” wika ni Galvez.
“According to WHO, any plans to ease quarantine restriction should be carried out gradually and in a phase manner—parang ‘yung hinay hinay lang po—to prevent resurgence of infections,” dagdag nito.
Ayon pa sa opisyal, kailangang ituon ng pamahalaan ang pokus sa mga carriers ng COVID-19 upang magtagumpay ang gobyerno na mapigilan ang pagkalat ng deadly virus.
“It has to balance between health and economy,” anang kalihim.
Sa ngayon, nananatiling nasa ECQ ang Metro Manila, Central Luzon maliban sa Aurora, Calabarzon, Pangasinan, Benguet, Albay, Bacolod City, Iloilo province kasama na ang Iloilo City, Cebu province kasama ang Cebu City, Zamboanga City, at Davao City at iba pang itinuturing na high-risk areas hanggang Mayo 15.
Ang nalalabi namang bahagi ng bansa ay nasa ilalim na ngayon ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ).