-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang binata nang makoryente sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si John Jay Bangcaya, 24, at residente ng Barangay Upper Glad 2, Midsayap, Cotabato.

Ayon sa ina ng biktima na si Mary Joy Bangcaya Laurista, bumisita lamang ang biktima sa kanyang tiyahin sa Barangay Buayan, M’lang, Cotabato para humingi ng bigas na dadalhin sa kanyang pag-uwi.

Nagkayayaan sina John Jay at ang kaniyang pinsan na manghuli ng isda gamit ang live wire ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco) sa pag-asang marami silang mahuhuling isda sa fishpond.

Pagsapit ng tanghali ay niyaya na sila ng kanyang tiyuhin at mga pinsan para kumain.

Bumalik pa ang biktima at muling sinaksak ang kawad ng koryente at doon na ito nakoryente dahil basa ang kanyang buong katawan.

Dinala pa ang binata sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Labis ngayon ang panghihinayang ng kaniyang ina, mga kamag-anak at mga kaibigan sa sinapit ni John Jay na magtatapos na sana sa kanyang kursong agriculture sa University of Southern Mindanao.