Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi kanselado kundi ipagpapaliban lamang ang graduation at iba pang end-of-school rites dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, hindi ito ang unang pagkakataon na walang isinagawang graduation ceremonies dahil nagkaroon na rin ng kahalintulad na mga hakbang noong nakaraan bunsod ng nangyaring mga sakuna.
“Alam natin na closed na ang classes, tapos na, pero walang graduation. I know disappointment ito para sa mga pamilya pero under present condition hindi natin ito pinahihintulutan,” ani Briones.
Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim sa mga estudyante na matatanggap pa rin nila ang kanilang mga certificates at records sa school.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni DepEd Usec. Annalyn Sevilla ang nilalaman ng isang memorandum kung saan nakasaad na maaaring konsultahin ang Parents-Teachers Association (PTA) ng mga paaralan sakaling i-reschedule o kanselahin ang graduation ceremonies.
“(Graduation is) postponed while ECQ (is in effect) and DepEd Memo 42 has provision number 6, which states that PTAs can be consulted if graduation ceremony will be rescheduled or canceled. There should be consultation with PTA,” ani Sevilla.
“Canceled ang graduation ng April 13-17 as originally scheduled because of extended ECQ. Thereafter, other graduation ceremonies to be postponed but schools can still reschedule only after ECQ,” dagdag nito.