DAVAO CITY – Hindi naging hadlang sa mga nagtapos ngayong taon ang ulan at baha na nararanasan dito sa rehiyon ng Davao.
Nitong nakalipas na araw lamang ay binaha ang bahagi ng probinsya ng Davao Oriental at Davao de Oro matapos ang walang humpay na pag-ulan dulot ng habagat at localized thunderstorm.
Una nang nagviral ang nangyaring graduation ceremony ng mga college students ng Davao Oriental State University noong July 13 kung saan isinagawa ang kanilang graduation rites sa may Baywalk, Mati City alas dos ng hapon kung saan bigla na lamang bumuhos Ang malakas na pag-ulan sa Lugar.
Sa social media post ni Nisielgrace Ambasan, isa sa mga gumraduate, makikita na kahit pa bumuhos ang malakas na ulan, hindi ito alintana at ipinagpatuloy pa din ang pagtawag sa mga estudyante na excited matanggap ang kanilang inaasam na diploma.
Sa kabilang banda, maliban sa Davao de Norte, binaha din ang ilang bahagi ng Davao de Oro kung saan isa ang graduate na si Nestor Bryan Nuenay, graduate sa kursong Financial Management, ang nakaranas ng graduation habang binabaha.
Kahit pa, wala paring mapaglagyan ang saya ni Nestor dahil sa wakas ay nakapagtapos na ito ng kolehiyo.