-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Dahil sa coronavirus pandemic, hindi lang pagkain ang puwedeng madrive-thru.

Naging kagaya ng drive-thru ang isinagawang graduation ceremony ng mga senior high school sa Bacolod Tay Tung High School sa lungsod ng Bacolod.

Sa halip na magmartsa, isinakay ang mga estudyante sa sasakyan ng kanilang pamilya hanggang makarating sa stage, kung saan kasama ng mga ito ang kanilang mga magulang sa pagkuha ng diploma at medalya.

Labis ang pasasalamat ng 90 mga graduates at magulang na kahit sa maikling panahon, nabigyan sila ng pagkakataon na magpasalamat sa mga guro at staff ng paaralan sa kabila ng coronavirus pandemic.

Ayon sa management ng institusyon, tiniyak ng mga ito na nasunod ang health protocol matapos aprubahan ng Department of Education ang pick-up graduation ceremony.

Ayon kay Philip Carpina, principal ng Bacolod Tay Tung High School, gusto nilang maging espesyal ang seremonya para sa mga estudyante at mga magulang.

Nakasuot ng facemask ang mga graduates, magulang, mga guro at staff na nag-facilitate ng seremonya.

Kahit ang mga sasakyan ang sumunod rin sa social distancing upang maiwasan ang direct contact.

Ayon kay Carpina, kahit na gusto nga mga ito, ipinagbawal nila ang pagkakamay sa mga magulang at estudyante.

Labis naman ang saya ng mga graduates na ipinagmamalaki ang kanilang alma mater.

Naniniwala ang management ng school community na maliban sa pagsasakatuparan ng hiling ng mga graduates, magiging handa rin ang mga ito at ang paaralan sa haharaping hirap dahil sa pandemic.