-- Advertisements --
PMA ARCH BAGUIO
The Philippine Military Academy (PMA) in Baguio City (photo from gobaguio.com)

BAGUIO CITY – All set na ang commencement exercises ng Philippine Military Academy (PMA) Mandirigma ng Bayan, Iaalay ang Sarili, Lakas at Tapang, Para sa Kapayapaan (MABALASIK) Class of 2019 na gaganapin bukas kasabay ng pagdating ng mga kamag-anak ng mga magtatapos na kadete sa Baguio City.

Personal na tatanggapin ng 263 graduating cadets ang kanilang diploma mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nasa 164 kadeta ang papasok sa Philippine Army, 63 sa Philippine Air Force (PAF) at 66 sa Philippine Navy at kahapon ay ibinigay sa mga ito ang kanilang rank insignias.

Na-incorporate sa cadet corps ng PMA ang mga graduating cadets noong 2015.

Pinangunahan ni Cadette 1CL Dionne Mae Apolog Umalla mula Allilem, Ilocos Sur ang PMA Class of 2019 na pang-limang babaeng naging topnotcher sa premier military school ng Asya.

Una nang sinabi ng PMA na inilipat sa buwan ng Mayo ang graduation rites para sa MABALASIK Class of 2019 dahil sa pag-adjust ng kanilang school calendar bunga ng K-12 Program mula sa dating buwan ng Marso.

Isinagawa naman kanina ang awarding ceremony para sa mga outstanding cadets at Cadet Corps Armed Forces of the Philippines (CCAFP) units na sinundan ng lunch ng graduating class kasama si Secretary of National Defense Delfin Lorenzana.

Sinabi naman ng Baguio City PNP na handa na rin ang kanilang puwersa na magbigay seguridad at motorist assistance sa mga tutungo ng PMA.

Binuksan na rin ang Kennon Road dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga sasakyan ng mga attendees at ibang personalidad na dadalo sa graduation rites ng PMA Class of 2019.