Pinagtibay ng Sandiganbayan ang naging conviction laban kay dating Sarangani governor Miguel Escobar sa kasong graft at malversation.
Ibinasura ng Sandiganbayan Sixth Division ang magkahiwalay na motion for reconsideration na inihain ni Escobar at ng kapwa nito akusado na si dating management analyst Alexis Jude dela Cruz.
Ayon sa anti-graft court, matapos nilang pag-aralan ang mga argumentong inihain ng kampo ni Escobar at Dela Cruz, wala itong nakitang matibay na rason upang mapagbigyan ang Motions for Reconsideration na inihain ni Escobar at kapwa nito mga akusado.
Ang naging desisyon ni Associate Justice Kevin Narce Vivero ay sinang ayunan naman nina Associate Justice Sarah Jane Fernandez at Associate Justice Michael Frederick Musngi.
Ang kasong ito ay nag-ugat sa inirelease ng P450,000 government funds sa pamamagitan umano ng pekeng disbursement voucher.
Si Escobar at Deal Cruz ay hinatulan ng anim hanggang sampung taon na pagkakakulong sa bawat kaso .
Katumbas ito ng kabuuang 12 hanggang 20 na taon na pagkakakulong at panghabang buhay na diskwalipikasyon na humawak ng mga pampublikong katungkulan.
Inatasan din silang magbayad ng multa na tig-P5,000 bukod pa sa civil liability sa halagang P450,000.