Pinagtibay ng Sandiganbayan ang conviction ni Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari sa dalawa nitong graft cases.
Ang mga naturang kaso ay kapwa nagmula sa umano’y ghost purchase ng mga information technology (IT) educational material na nagkakahalaga ng P77.26 million. Nangyari ito noong siya pa ang nagsisilbing gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) noong 2001.
Bahagi ng akusasyon ay nag-ugat sa umano’y sabwatan sa pagitan nina Misuari at mga kapwa akusado upang mapaboran ang tatlong mga pribadong kumpanya at mabigyan sila ng “unwarranted benefits, advantage at privilege” kasunod ng naturang IT deal.
Sina Misuari at mga kapwa akusado at nasentensyahan ng anim hanggang walong taong pagkakakulong sa bawat graft conviction, kasama ang perpetual disqualification sa paghawak sa anumang public office.
Ang mga kapwa akusado ni Misuari ay sina dating Department of Education (DepEd)-ARMM director Leovigilda P. Cinches, accountant Alladin D. Usi, supply officer Sittie Aisa P. Usman, Commission on Audit-ARMM resident auditor Nader M. Macagaan, chief accountant Pangalian M. Maniri, at isang pribadong indibidwal.
Dating naghain ng motion for reconsideration sina Misuari para i-apela ang naging desisyon. Katwiran ni Misuari, hindi siya liable sa nangyaring transaction dahil hindi na siya gobernador ng ARMM noong nangyari ito.
Gayunpaman, sinabi ng Sandiganbayan na matibay ang iprinisenta ng prosekusyon na ebidensiya. Katwiran ng naturang opisina, na-establish na nakinabang ang mga ilang mga pribadong kumpanya na nagdulot ng pagkalugi/pinsala sa pamahalaan.