Pinagtibay ng Sandiganbayan Sixth Division ang graft conviction laban kay Laureano Arnulfo Mañalac.
Si Manalac ay dating executive assistant ni dating Agriculture Secretary Proceso Alcala.
Siya ay hinatulang guilty sa kasong graft dahil sa paglilipat ng P13.5 milyong pondo ng ahensya sa isang private foundation kung saan siya at ang kanyang mga kamag-anak ay incorporator.
Ibinasura ng anti graft court ang apela ng nasasakdal na nagsasabing ang hunang hatol sa kanya ay mali.
Giit ng korte ang pagbibitiw ni Laureano sa DA noong Setyembre 30, 2012 ay immaterial dahil ang criminal offense ay natapos na noong panahong iyon.
Nabanggit rin ng korte na bilang itinalagang Agri-Pinoy Trading Center Program (APTC)-Project Management Officer, ang akusado ay sangkot sa pagproseso ng panukala ng Isa Akong Magsasaka Foundation Inc. (IAMFI) at positibong inirekomenda ng PMO ang foundation na maging isang DA Development Partner, na naging daan upang ito ay maging recipient ng P13.5 million na pondo ng gobyerno.
Pinagtibay din ng korte ang sentensya ng pagkakakulong na anim hanggang sampung taon gayundin ang utos na i-refund ang buong P13.5 milyon plus interes na anim na porsyento kada taon hanggang mabayaran nang buo.
Gayundin, kahit hindi si Laureano ang nagsumite ng documentary requirements ng accreditation application ng IAMFI sa Special Screening Committee, idineklara ng Sandiganbayan na wala itong kinalaman sa kanyang conviction.
Batay sa ebidensya ng prosekusyon, maliban kay Laureano, ang iba pang incorporator ng pribadong foundation ay ang kanyang asawa, anak, at biyenan.