-- Advertisements --

Pinagtibay ng Sandiganbayan ang naunang graft conviction laban sa isang private individual na nagpanggap na patay para iwasan ang pagdinig sa kanyang mga kinakaharap na kaso sa korte.

Kinilala ang respondent na si Mary Ann Maslog na dating agent at kinatawan ng Esteem Enterprises.

Si Maslog ay hinatulang guilty noong Enero 28 ng taong ito para sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o mas kilala sa tawag na Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kabilang sa hinatulang nagkasala ay ang dalawang dating opisyal ng Department of Education (DepEd) na dating chief accountant ng Department of Education Culture and Sports Regional Office VIII na si Emilia Dela Vega Aranas at dating pinuno ng Budget and Finance Division na si Ernesto R. Guiang.

Naghain ng motion for reconsideration matapos ang guilty verdict laban sa kanya at iginiit na walang matibay na batayan para mabuo ang mga kinakailangang elemento na magpapatunay ng kanyang pagkakasala.

Giit naman ng korte na sapat ang mga ebidensya na magpapatunay na nagkaroon ng pagsasabwatan sa pagitan ng mga akusado.

Dagdag pa dito na ang mga naging aksyon ni Maslog na nagtangkang lukohin ang korte.

Nahaharap ang tatlo sa indeterminate penalty ng pagkakakulong na aabot sa anim na taon at isang buwan bilang minimum at sampung taon bilang maximum.

Kabilang na dito ang perpetual disqualification sa paghawak sa mga pampublikong tungkulin.