-- Advertisements --

Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang hatol na guilty kay dating Pagsanjan Mayor Jeorge “ER” Ejercito Estregan at Marilyn Bruel dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ang kaso ay nag-ugat sa ilegal na paggawad ng insurance contract sa First Rapids Care Ventures (FRCV), isang hindi lisensyadong kumpanya, nang walang public bidding.

Ayon sa Korte Suprema, ang kontrata ay para sa insurance na sakop ng klasipikasyong “goods” at kinakailangan ang public bidding sa ilalim ng Government Procurement Reform Act.

Sa halip, ginamit ni Ejercito ang “negotiated procurement” na wala naman umanong sapat na batayan sa batas.

Ang FRCV ay walang Certificate of Authority mula sa Insurance Commission at walang karanasan sa pagbibigay ng insurance services.

Bagama’t isinasaad ni Ejercito at Bruel na ang FRCV ay natatanging kwalipikado, nakita ng Korte Suprema na hindi makatwiran ang kanilang paliwanag.

Pinawalang-sala naman ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan dahil walang ebidensyang sila ay nagbigay ng pabor sa FRCV.

Sa huli, pinatawan sina Ejercito at Bruel ng parusang pagkakabilanggo at permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng public office.