GENERAL SANTOS CITY – Nire-review na ng otoridad ang CCTV footage sa isang building at sa mga kalapit nitong establisimento sa Cabel Street, Barangay Lagao sa General Santos City matapos marekober ang isang granada sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni P/Maj. Benhur Catcatan, hepe ng Lagao Police Station na nasa kustodiya na ngayon ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team ang isang fragmentation grenade.
Mismong ang may-ari ng gusali na si Cora Bella Asuero Achurra ang nakakita ng granada sa terrace ng ikatlong palapag ng building.
Ayon kay Catcatan, may safety pin pa ang granada at mabuti na lang na hindi ito tinanggal kaya’t hindi rin ito sumabog.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi sa harapan ng YBS Law Firm natagpuan ang granada batay naman sa unang naiulat.
Nabatid na sa naturang building umuupa ang nasabing law firm na nag-o-authenticate ng mga claims sa civilian paluwagan scam ni Shiela Agustin, ang tinuturong utak ng PPM scam sa GenSan.
Una nang inihayag ni Agustin sa exclusive interview ng Bombo Radyo na marami sa mga pulis ng Region 12 ang nag-invest ng malaking halaga ng salapi sa PPM.