BAGUIO CITY – Kinansela ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang nakatakda sana sa February 1 grand opening parade ng inaabangang Baguio Flower Festival o Panagbenga 2020.
Inanunsiyo ito ni City Mayor Benjamin Magalong bilang bahagi ng proactive measures ng pamahalaan laban sa banta ng 2019 novel coronavirus.
Gayunman sinabi niyang wala pang pinal na desisyon ukol sa dalawang highlights ng Panagbenga, partikular ang Grand Street Dance Parade at Grand Float Parade.
Dinagdag niya na lahat ng mga malalaki at crowd-drawing activities sa susunod na tatlong linggo gaya ng International Jazz Festival ay kanselado rin.
Binubuo na rin aniya ang task force sa lungsod na tututok sa isyu ng coronavirus at para mapaganda pa ang pagresponde at proactive measures ng Baguio sa 2019-nCoV.
Dagdag pa ni Mayor Magalong na walang lockdown o hindi isasara ang Baguio mula sa mga turista.