-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Itinaas sa P1.2 milyon ang grand prize sa sadsad contest ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2025.

Ito ang inanunsyo ni Kalibo Mayor Juris Sucro.

Nabatid na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng festival ay ginawang isang milyong piso ang grand prize kung saan ang Vikings Tribe ang buena mano nga nakatanggap nito noong 2023.

Ipinasiguro rin ng lokal na pamahalaan ng Kalibo na kung gaano naging magarbo at makulay ang paghahanda sa selebrasyon ngayong taon ay dodoblehin ito sa Enero 2025.

Kabuuang 34 na Ati-Atihan contingents ang magpapakitang gilas sa festival suot ang kanilang mga makulay na costumes na gaganapin sa Enero 18, 2025.

Sa kabilang daku, hihilingin ng Sangguniang Bayan ng Kalibo sa ilang airlines na dagdagan ang bilang ng kanilang flights para sa panahon ng festival.

Ayon kay Kalibo Vice Mayor Cynthia dela Cruz, nakatanggap na ng booking reservations ang ilang mga malalaking hotel sa bayan.

Mas magiging convenient umano sa mga pasahero at bisita ang pagbiyahe kung direktang lalapag sa Kalibo airport kaysa sa Caticlan airport na halos isang oras pa ang biyahe papuntang Kalibo.

Inaasahan aniya nilang bubuhos ang maraming mga bisita at turista sa selebrasyon na siya nilang pinaghahandaan sa kasalukuyan.