-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na lisensyado ang sinibak na security guard na nang-hostage sa V-Mall, Greenhills shopping center nitong Lunes.

Ayon kay PNP-Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (SOSIA) chief PBGen. Michael John Dubria, may License to Exercise Security Profession ang suspek na si Alchie Paray na mapapaso pa sa 2021.

Pasado din umano ang suspek sa neuro-psychiatric exam.

Paliwanag ni Dubria, nagkamali ng pangalan na ibinigay sa kanila kaya’t itinutuwid niya ang impormasyon ngayon.

Dagdag pa ng opisyal, may license to operate rin ang SASCOR Armor Security Agency na humahawak kay Paray.

Binigyang-diin ni Dubria na kahit kapwa lisensiyado si Paray at ang SASCOR, magsasagawa pa rin sila ng inspection sa opisina ng nasabing security agency.

Siniguro ni Dubria na lalo pa nilang hihigpitan ang gagawing pagche-check sa authenticity ng neuro- psychiatric clearance na isinusumite ng mga security guard para makakuha ng lisensya.