Pumirma na ng kontrata sa pinakamalaking international basketball agency sa mundo na BeoBasket si dating Barangay Ginebra star Greg Slaughter.
“I am very happy to announce that I’ve signed with @misko4raznatovic, owner of BeoBasket, the biggest international basketball agency in the world. They represent many athletes whom I greatly admire that compete in the NBA, EuroLeague, and Asia,” saad ni Slaughter sa kanyang Instagram account.
Batay sa ulat, ang BeoBasket ang kumakatawan sa maraming mga European at American players sa EuroLeague at NBA, kung saan prominente sa mga ito si Denver Nuggets forward Nikola Jokic.
Kung maaalala, pansamantalang nagpahinga ang 7-footer na si Slaughter at hindi muna lumagda sa kahit anong team sa PBA buhat nang hindi i-renew ng Ginebra ang kanyang kontrata nitong Enero.
Ngunit kamakailan ay naging usap-usapan muli si Slaughter nang mag-post ito ng ilang larawan sa Instgram na nagwo-workout sa Amerika.
Sa isang interview, inihayag ni Ginebra coach Tim Cone na posibleng hindi na bumalik sa PBA si Slaughter at target daw nitong maglaro sa NBA G-League.
Interesado rin umano ang dating PBA Rookie of the Year na maglaro para sa Gilas Pilipinas sa darating na 2023 FIBA World Cup.