Naghain ng reklamo ang Swedish climate activist na si Greta Thunberg at 15 iba pang kabataan sa United Nations tungkol sa umano’y paglabag ng lima sa major economies ng mundo sa kanilang karapatang pantao dahil sa kakapusan ng aksyon upang labanan ang clmate change.
Inihain ang reklamo matapos magtalumpati si Thunberg at kagalitan ang mga world leaders na dumalo sa UN Climate Action Summit.
“You have stolen my dreams and my childhood with your empty words — and yet, I’m one of the lucky ones,” wika ni Thunberg. “People are suffering, people are dying.”
Pinangalanan sa petisyon ang Germany, France, Brazil, Argentina at Turkey na nabigo raw na tudpin ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng human rights treaty na Convention on the Rights of the Child.
Ang nasabing aksyon ay kasabay ng pag-host ng United Nations ng isang Climate Action Summit sa unang araw ng kanilang General Assembly, kung saan ilang mga world leaders ang naglahad ng kanilang mga plano para mapababa ang carbon footprints ng kanilang mga bansa.
Sa isang press conference, inihayag ni Thunberg at ng iba pang mga kabataan ang kanilang tahasang pagkadismaya dahil sa halos kawalang aksyon ng mga lider ukol sa isyu ng climate change.
“The message that we want to send is that we’ve had enough,” ani Thunberg.
Pinuna rin nila ang mga bansang hindi tinutupad ang kanilang pangakong bawasan ang inilalabas nilang greenhouse gases.
Samantala, hindi naman pinangalanan sa complaint ang iba pang mga top greenhouse gas emitters sa mundo gaya ng Estados Unidos at China.
Hindi naman kasi niratipikahan ng Estados Unidos ang bahagi ng naturang tratado na nagpapahintulot sa mga bata na humiling ng hustisya para sa mga paglabag.
Habang ang China naman ay hindi rin pumirma sa nabanggit na parte ng kasunduan. (CNN)