Saglit na nagkrus ang mga landas nina Swedish climate activist Greta Thunberg at US President Donald Trump sa ginaganap na UN Climate Action Summit sa New York, City.
Ikinagulat ng lahat ang pagdalo ng American president sa nasabing pagpupulong dahil inaasahan ng marami na hindi ito sisipot.
Matalim na tiningnan ni Thunberg si Trump habang naglalakad ito upang magpaunlak ng panayam sa ilang international media na naghihintay sa kaniya.
Bago ito ay nagbigay ng kaniyang emosyonal na talumpati ang 16-taong gulang na climate activist na direktang patama para sa mga makapangyarihang pinuno ng iba’t ibang bansa na dumalo sa naturang summit.
Una nang naghain ng reklamo si Thunberg kasama ang 15 pang kabataan laban sa liman bansa dahil sa umano’y paglabag ng mga ito sa kanilang karapatang pantao at dahil na rin sa kakapusan ng aksyon upang labanan ang climate change.
Nabigo raw ang mga bansa na Germany, France, Brazil, Argentina at Turkey na tuparin ang kanilang obligasyon sa human rights treaty na Convention on the Rights of the Child.