Labis umano ang pagkabigla ng TV reporter na si Gretchen Ho at ni Olympic weightlifter Hidilyn Diaz ang pagkakasama ng kanilang mga pangalan sa inilabas na matrix ng Malacañang hinggil sa umano’y destabilization plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang isinapubliko ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo nitong Miyerkules ang isang diagram laman ang pangalan ng ilang mga grupo at personalidad na umano’y nasa likod ng Bikoy video para siraan ang Duterte administration.
Sa kanyang social media account, sinabi ni Ho na maging siya raw ay nalilito rito lalo pa’t dumalo pa ito sa isang pribadong salu-salo sa Palasyo nitong Martes ng gabi.
“We were invited to a ‘private dinner’ in Malacañang. Hindi po sinabi na for ‘supporters’ of the president. I was there to have conversation and decided it would help to know the other side of things,” wika ni Ho.
“As a media practitioner, it is our duty and responsibility to hear both sides.”
Mariin namang itinanggi ni Ho na may papel ito sa pagpapabagsak sa kasalukuyang pamahalaan.
Iginiit din nito na hindi niya raw si alyas “Bikoy” at si Rodel Jayme, na nag-share umano ng mga videos na umano’y nag-uugnay sa pamilya Duterte sa usapin ng iligal na droga.
Samantala, sinabi rin ni Diaz na hindi niya raw kilala si Jayme at tinawanan na lamang nito ang isyu.
Una rito, ibinunyag ni Panelo na maliban sa pagsira sa administrasyon, layunin din ng propaganda na isulong ang kandidatura ng mga senatorial candidates ng Otso Diretso.
Kabilang sa mga pangalang lumabas sa diagram ay sina Sen. Antonio Trillanes III, publisher na si Ellen Tordesillas, dating Presidential Spokesman Edwin Lacierda, Cocoy Dayao, Communist Party of the Philippines-New People’s Army founding Chairman Joma Sison, Bong Banal, Arman Potejos at si Rodel Jayme na una nang naaresto ng National Bureau of Investigation.
Ang nasabing impormasyon natanggap daw mismo ng Office of the President at dumaan sa beripikasyon.
Inamin naman ni Sec. Panelo na wala silang impormasyon na may military component o suporta ng militar sa conspiracy laban sa Duterte administration.
Sa ngayon, wala rin daw balak ang Malacañang na sampahan ng kaso ang mga idinadawit na personalidad.