Isang panalo na lang ang kailangan ng Memphis Grizzlies para makapasok sa NBA playoffs, ngunit hindi pa tiyak kung makakalaro ang kanilang star guard na si Ja Morant sa do-or-die play-in game kontra Dallas Mavericks sa Biyernes, Abril 18, ng gabi.
Hindi naman nakasali si Morant sa practice nitong Huwebes dahil sa injury sa kanyang kanang ankle at magiging game-time decision ayon kay interim coach Tuomas Iisalo. Nabatid na nakuha ni Morant ang injury matapos makasagupa sa court ang Golden State ngunit bumalik pa rin sa huling quarter at nagambag pa ng 22 points.
Ang mananalo sa laro ay kukunin ang ika-8 puwesto sa Western Conference at makakaharap ang top-seeded Oklahoma City Thunder habang ang matatalo ay tuluyang malalaglag sa season.
Bagamat natalo sa huling bahagi ng regular season, umaasa pa rin ang Grizzlies na makakabawi.
Sa kabilang banda, buo ang kumpiyansa ng Mavericks matapos ang panalo kontra Sacramento Kings kung saan kumolekta si Anthony Davis ng 27 points, habang si Klay Thompson ay nagdagdag ng 23.
Nagwagi ang Memphis sa tatlo sa apat na laban nila kontra Dallas ngayong season, ngunit ngayon ay parehong desperado ang dalawang koponan para manatili sa playoff race.