Interesado umano ang Memphis Grizzlies na i-trade patungo sa ibang koponan ang bago pa lamang nilang huli na si Andre Iguodala.
Batay sa ulat, naghahanap na raw ng trade options ang Grizzlies upang ipadala si Iguodala at ang kanyang $17.2-milyong kontrata sa ibang team bago magsimula ang susunod na season.
Hindi rin umano ikinokonsidera ng Memphis ang contract buyout para sa 2015 NBA Finals MVP.
Naghayag na rin daw ng interes ang Houston Rockets at Dallas Mavericks sa isang trade para kay Iguodala, na kilala sa kanyang perimeter defense at tumulong sa Golden State Warriors na makatuntong sa limang sunod-sunod na NBA Finals.
Matatandaang maliban kay Iguodala, nakuha rin ng Grizzlies mula sa Warriors ang first-round draft pick, habang napunta naman sa Golden State si D’Angelo Russell at si Kevin Durant sa Brooklyn Nets.
Nalambat din ng Grizz sina Grayson Allen, Kyle Korver at Jae Crowder mula sa Utah Jazz sa isang trade para kay guard Mike Conley.
Noong nakaraang season, nagtala ng average na 5.7 points, 3.7 rebounds, at 3.2 assists sa 68 laro ang 35-year-old veteran swingman.